Hagdang Walang Baitang

KALAGAYAN NG PWD’s SA ISTEYT AT ANG CSC MAIN LIBRARY EXTENSION PROJECT


Mortal na kaaway, malupit na kalaban, walang awang katunggali, isang kontrabida sa mundong parati niyang hinihiling na sana’y hindi na lamang pinaghaharian ng grabedad—Ito ang tingin ni Hazel sa bawat baitang ng hagdan na kanyang matatanaw sa loob ng CSU Campus. Para sa dalagang Bagamanocnon, ito’y sampal sa mukha ng pamayanan kung saan litaw na litaw ang mga kakarampot na oportunidad para sa mga tulad niya.

Ngunit sa pagbubukas ng  kasalukuyang taunang pampaaralan, kasabay ng lubusang pagkakayari ng Main Library Extension Project, nakabanaag si Hazel ng  katiting na liwanag sa pinapasukang institusyon kung saan parating agaw-pansin ang gumalaw sa pamamagitan ng upuang pinaandar ng gulong; kung saan  minsa’y naisasawalambahala  ang kanyang karapatan bilang mag-aaral, kabataan at mamamayan.


Sa Pagkatalisod

Tulad ng kahit sinong estudyante, isa lamang si Hazel sa mga naghahangad na iangat ang pamumuhay ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng edukasyon. Subalit sa gulang na labing siyam, hindi na biro ang kanyang mga sakripisyo makamit lamang ang hangaring ito.

Palangiti si Hazel. Kung ang tanging bibigyang pansin ay ang kanyang masayahing mukha, hindi mo aakalaing siya ay kabilang sa mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWD). Natamo umano ni Hazel ang kanyang kapansanan sa murang edad. Apat na taong gulang siya nang di sinasadyang mahulog sa entablado ng noo’y pinapasukang paaralan. Dahil sa takot na mapagalitan, inilihim niya sa magulang ang naganap na aksidente na ngayo’y lubos niyang pinagsisisihan.

Siyempre, aki baga. Natakot ako kaito kina Mama kaya dae ako nag-usip. Gakulog na perong grabe ang rikod ko kaito. Then after one month, napilay na ako pero nakatindog pa man,” pagbabahagi ni Hazel sa isang panayam.

Nang matuklasan ang tunay na sinapit ng anak, agarang ipinatingin si Hazel ng kanyang mga magulang sa isang manghihilot na sa kasamaang palad ay hindi nalunasan ang kanyang kalagayan. Bunsod nito, mula Bagamanoc, Catanduanes, ipinasya ng kanyang ama’t ina na iluwas siya ng Maynila upang masuri ng mga espesyalista sa St. Luke’s Medical Center.  Sa puntong iyon, natuklasan nilang ang pagkahulog ni Hazel ay nagdulot ng tumor sa kanyang gulugod at kinailangan niyang sumailalim sa isang operasyon.

Setyembre ng taong 1997 nang matagumpay siyang maoperahan, pero hindi pa roon nagtatapos ang lahat. Kinailangan din niyang uminom ng mga may-kamahalang gamot upang tuluyang gumaling. Ngunit dahil na rin sa krisis ng mga panahong iyon, hindi na kinaya ng kanyang pamilya ang pagsustento sa mahabang gamutan na naging sanhi ng paglala ng kanyang kondisyon. Bunga nito’y bumalik ang dating pasanin ng dalaga at tuluyan na ngang naparalisa ang kanyang mga binti.

Ten years old ako kaito, mai na talaga ako nakalakaw. Hanggang hayskul na ‘yon. Pigabuhat na sana ako ni Papa everytime na malaog sa eskwelahan,” wika ng dalaga habang sinasalat ng hinlalaki ang lamig ng inuupuang sahig. “Nagilumduman ko kang graduation namo sa Bagamanoc Rural [Development High School], mai na sana ako gataas ning stage maski may award ta ang guest na yung gababa. ”

Ayon sa Census on Population and Housing (CPH), mayroong 942,000 PWDs sa ating bansa. Mula sa nakalap na datos, masasabing humigit-kumulang 1.23% ng ating kabuuang populasyon ang nangangailangan ng suporta at pang-unawa mula sa kani-kanilang pamayanan dahil sa natatanging kalagayan. Ngunit kung isasaalang-alang ang konsepto ng World Health Organization na may sampung bahagdan ng mga PWDs sa bawat populasyon, tinatayang aabot ng humigit kumulang 9.2 milyong tao sa Pilipinas ang may kapansanan.


Pagbibigay-saklay

Upang lalong mapangalagaan ng gobyerno ang karapatan ng mga PWD na gaya ni Hazel, ipinasa sa ilalim ng rehimeng Aquino noong ika-24 ng Marso, 1992 ang Batas Republika 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons and Other Purposes. Ito ang pangunahing komprehensibong batas para sa mga PWD na naglalayong mabigyan ng rehabilitasyon at mapaunlad pa ang estado ng mga kababayan nating may kapansanan tungo sa ganap nilang pakikibahagi sa pamayanan.

Sa ilalim ng batas na ito, ang persons with disabilities ay tumutukoy sa mga taong dumaranas ng restriksyon na ipamalas ang kanilang iba’t ibang abilidad bunga ng mental o pisikal na kapansanan. Idagdag pa riyan ang mga indibidwal na may sensory impairment o yaong mga may problema sa kanilang pandama (hal. bingi, duling, bulag, pipi).

Taong 2008 naman nang buuin ang National Council on Disability Affairs (NCDA). Ang NCDA ay ang ahensyang itinalaga ng administrasyong Arroyo upang gumawa ng mga polisiya at sumubaybay sa gawain ng iba pang ahensya, pampubliko man o pribado, ukol sa mga isyung may kinalaman ang mga may kapansanan. Ito ang naatasang manguna sa pagpapalawig ng mga natatanging programa para sa mga PWD, kabilang na ang paghahatid sa kanila ng karampatang serbisyo.

Makikitang simula’t sapul, maganda na ang hangarin ng ating gobyerno para sa mga kapwa nating hindi sinwerteng magkaroon ng normal na pangangatawan. Halos bawat dekada, nadaragdagan ang mga panukalang naghihintay na maipasa para sa kanilang ikabubuti; ngunit hindi pa rin maipagkakailang sadyang mahirap mabuhay ng kakaiba sa tinatawag na “normal”: mainit sa mata ng nakararami at madalas salubungin ng diskriminasyon.

Gaya ni Hazel, isa rin si Ivan Anton Tabo, 25 taong gulang , sa mga nagsusunog ng kilay sa kabila ng kapansanan at ngayo’y kumukuha ng kursong BS Accountancy sa CSC. Mayroon siyang mild cerebral palsy na naging dahilan ng kanyang pagkalumpo. Upang makapag-aral siya ay pinapasan ng kaibigang si Floro Tapanan Tulad ng inaasaha’y naging tampulan siya ng panunukso sanhi ng kalagayan.

Gano’n huba talaga. Dai man an maiwasan na igwa kang makasalubong na mga alog kaan. Dai ko na sana pigatin-o ta ako man sana ang daog kung papatulan ko pa. Pero nakapikon baga pag pigaguluan ka na,” sagot ni Anton nang tanungin kung ano ang kanyang reaksyon sa tuwing may manlilibak sa kanya.

May oras ding nakaranas siya ng diskriminasyon mula sa ilang empleyado.

Dati ngani medyo nagkulog ang buot ko kang pag-enroll ko uya sa Isteyt. Ang mga rooms baga nasa third floor. Isi ko man yun. Nagtalam ba naman su salong faculty… ‘Oh! Okey lang saimong puro hagdan? Ikaw rin. Baka masakitan ka sana dyan.’ Medyo nakakainis baga ta sa halip na i-encourage ka ninda, baga pigapugulan ka pa maski desidido ka ,” himutok ng binata sa may kalakasang tinig.

Upang maipagpatuloy ang pag-aaral, pinapasan siya araw ng kanyang kaibigan na si Floro Tapia, 19, upang makaakyat siya sa ikatlong palapag ng administration building na kinaroroonan ng mga CBA classrooms.

Dahil na rin sa mga mapapait na pagkakataong gaya ng pinagdaanan ni Anton, isinulong nang taong 2007 ang Batas Republika Blg. 9442 upang amyendahan ang nauna nang Batas Republika 7277. Nagdagdag ang mga mambabatas ng ikaapat na titulo sa Magna Carta for Persons with Disabilities. Isiningit ang prohibisyon sa lantarang pang-iinsulto, berbal man o di-berbal, sa mga PWD sa publiko. Ipinagbawal rin ang bilipikasyon o ang mga gawaing nagpapakita ng pangungutya sa mga may kapansanan.

Ang sinumang lalabag sa mga probisyon ng batas na ito ay pagbabayarin ng limampung libong piso (P50,000.00) hanggang isandaang libong pisong (P100,000.00) multa o kaya’y maaaring patawan ng anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong sa unang opensa.

Sa kabilang dako, nakapaloob din sa inamyendahang batas republika ang mga dagdag na prebilehiyo para sa mga PWDs. Upang matiyak na di matatapakan ang kanilang karapatan, inaprubahan ang 20% kaltas sa presyo ng mga gamot at serbisyong medikal. 20% rin ang bawas sa pamasahe tuwing sila ay sasakay sa kahit anong uri ng transportasyon, mapadagat man, lupa o himpapawid. Maging sa mga restaurant, sinehan, karnabal, cultural centers at iba pang pook-libangan, maaaring makakuha ng 20% discount ang mga PWD basta’t may maipapakitang valid ID na magpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan.

Tunay ngang malaki ang magagawa ng mga legal na batayan na gaya nito sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga may kapansanan subalit sadya nga sigurong walang ngipin ang batas sa ating bansa. Subalit kahit may kabigatan ang ipinapataw na parusa sa mga lumalabag, ang kakulangan naman sa impormasyon at edukasyon ng mga PWDs ang nagbubunsod ng di matapos-tapos na pang-aabuso sa kanila.

Nang tanungin si Mang Alfonso, 49, isa sa mga miyembro ng State-Capitol Tricycle Operators and Driver’s Association (STACAP-TODA) kung alam ba niya ang mga prebilehiyong pangtransportasyong dapat tamasain ng mga may kapansanan, napakamot lamang siya ng ulo.

Bihira man sana kami magsakay ning mga alog kaito [may kapansanan]. Dai ko pero isi na may discount palan dapat sinda. Minsan nagani yung iba kong kaibahan uya, pigapadagdagan pa ning bayad ta may wheel chair pa bagang pigakarga sa carrier,” tugon ng tsuper.


Sa Kabila ng Pagkalumpo

Sa kabila ng kalbaryong pasan-pasan ng mga PWD, nakatutuwang kahit sa simpleng paraan ay nagagawang tugunan ng Isteyt ang kanilang pangangailangan, anupa’t isa na itong premyadong unibersidad ngayon.

Sa unang semestre ng kasalukuyang taunang paaralan, naisakatuparan din ang proyektong ekstensyon sa CSC Main Library. Di maikakailang nagdulot ito ng karisma upang humikayat pa ng mga mag-aaral na  dito na magpalipas ng oras. Bukod sa kaluwagang naidulot ng pagpapalawig sa Graduate Studies Studies at Filipiniana section ng silid-aklatan, isa pang mahalagang tampok sa proyekto ay ang pagdaragdag ng konkretong rampa sa kaliwang bahagi ng istraktura.

Actually, it [the ramp] is an original part of the library extension. Lagi kasi yang sina-suggest ng mga accreditors. May mga suggestion pa ngang maglagay na raw ng escalator. Grabe talaga ang nagagawa ng accreditation and mas marami pang dapat i-accomplish,” pahayag ni Mrs. Araceli Mendez, Supervisor, Library Services.

Noong 1983, ipinatupad ni Pangulong Marcos ang Batas Pamabansa Blg. 344 na may layuning mapabuti pa ang pansibikong partisipasyon ng PWDs. Nakasaad sa batas na ito na kinakailangang magkaroon ang  mga piling gusali, institusyon, establisyimento at mga pampublikong lunan ng mga pasilidad para sa ikabubuti ng mga may kapansanan. Naatasan ang DPWH na siguruhing lahat ng ipapatayong pampublikong gusali ay susunod sa batas na ito upang hindi maantala ang mga transaksyong kinasasangkutan ng mga PWDs. At isa ang CSU, bilang institusyong pinapatakbo ng gobyerno, sa  ng mga dapat maging huwaran alinsunod sa nabanggit na batas.

Ngunit matatandaang itinayo ang Isteyt noong 1971 (bilang VNATS), labindalawang taon bago ipatupad ang naturang batas. Kung kaya’t sinisikap ngayon ng  institusyong punan ang mga kakulangan sa pasilidad na dapat sana’y napapakinabanagan nan g mga PWD.

Ang buong proyekto, ayon kay Mrs. Mendez ay nagkakahalaga umano ng P750,000.00. Sa isang panayam, sinabi niyang iminungkahi na nang taong 2005 ang naturang proyekto ngunit nitong taong 2011 lamang napaglaanan ng kaukulang badyet sa ilalim ng administrasyon ni President Minerva Morales. Bagamat natagalan bago naisakatuparan ang proyekto, marami pa rin ang lubos na  natuwa sapagkat sa bahaging ito ng Isteyt,  magiging patas na ang edukasyon  sa sa pagitan ng  mga nakakalakad ng normal at ng mga umaasa lamang sa de-gulong na upuan.

Kainugma ko!” ang dagliang sagot ni Hazel nang tanungin kung ano ang kanyang naramdaman sa pagkakaroon ng rampa sa CSC Main Library. “Nagkaikan man ning hope na makataas ning library. Dati kaya kasinakit magresearch. Pirming limited ang knowledge.

Ayon kay CIMC Director Yolanda M. Tariman, isa sa pinakamahalagang lugar para sa mga mag-aaral ang CSU Main Library lalung-lalo na kung pananaliksik (English 2 at Filipino 2) ang pag-uusapan. Aniya’y malaking dagok talaga para sa mga may kapansanan ang pag-akyat-baba sa mga hagdanan ng silid-aklatan.

Minsan ngani may nahiling man akong ga-Masteral na pilay tapos gasakat uya ta magibo ata itong thesis. Kahihilak man baga. Pero ngunyan na igwa na ning rampa, I’m sure dai na sinda masyadong masakitan,” pagbabahagi naman ni Reynan Lareza, contractual employee na naitalaga sa Graduate Studies Section.

Gayunpaman, kahit malinaw ang kagandahang naidulot ng library extension project, nangangamba pa rin sina Hazel at Anton. Hindi lamang sa Main library kailangang magkaroon ng pasilidad para sa mga PWD. Hindi lamang main library ang  gusali sa kampus na may hagdan at palapag. Dahil dito’y hindi maiwasang ikumpara ni Anton ang Isteyt sa ibang unibersidad sa rehiyon.

Kang asa Aquinas [University] ako, gabos na building duman, igwang rampa kaya medyo nakaasar lang na daing rampa uya,” wika ni Anton.

Malaki naman ang pag-aalala ni Hazel para sa mga tulad nilang may kapansanan na tutuntong na ng kolehiyo sa mga darating na taon.

Painano kung ikan man maadal na parehas namu? Baging unfair man baga,” malungkot na sambit ni Hazel matapos niyang ibahaging hindi niya magawang makadalo sa tuwing may film showing sa mag asignaturang gaya ng World Literature dahil ang Audio-Visual Room ay nasa ikatlong palapag ng Administration Building.


Mga Yabag ng Katiyakan

Oh, tama ini saimu. Para ini saimu,” nagagalak  na sigaw ng isang construction worker kay Hazel habang pinapalitadahan ang hallow blocks na nagbigay-hubog sa noo’y rampang ginagawa pa lamang.    Ayon sa dalaga, mangiyak-ngiyak siya nang mga sandaling iyon. Abot-kamay na niya ang mga aklat sa ikalawa at ikatlong palapag ng CSC Main Library.

Ngayon, isa lamang ang tiyak kay Hazel. Para sa kanya hindi lamang ito pangkaraniwang pasilidad na idinagdag upang maging mabango ang Isteyt sa pang-amoy ng mga accreditors; ngunit isang konkretong simbolo  ng pagpapahalaga sa kanyang karapatan at isang paalala na hindi nya dapat katakutan ang  mga hagdang aakyatin pa lamang.

Dave S. Tolentino

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: