HAGUYHOY*

SI NONONG AT ANG KANYANG PAGTATAGUYOD SA HIMIG VIRACNON

 
Kulot, long hair, kupas na pantalon: mga tipikal na deskripsyon sa isang musikerong sumikat noong dekada ’80. Sa isang entablado na kung minsa’y tanging malamlam na ilaw lamang ang nagbibigay liwanag, nag-aagaw-lasa ang tamis at pait. Hindi nakabibinging ingay ang bawat pitik sa kwerdas ng gitara’t palo sa mukha ng tambol, kundi isang aliw-iw ng musikang humaharana sa mga pagod na tenga.

At tulad ng sugat, nag-iiwan ito ng pilat sa diwa ng bawat tagapakinig.

 
Alingawngaw ng Sariling Tunog

Sa tinagal-tagal ng panahon, hindi maikakailang bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang musika. Bago pa man nakipaglaban si Lapu-lapu kay Magellan, gamit na natin ang musika upang makapagpahayag ng damdamin, magbigay-sigla sa mga pagdiriwang at magpalipas-oras.

Isa rin ito sa naging mabisang paraan ng komunikasyon ng mga sinaunang katutubong Pilipino na hindi lamang nangyayari sa ordinaryong pag-uusap kundi pati sa pagkanta. Lahat ng ito’y naging simbulo ng positibong pananaw ng mga Pilipino sa buhay sa kabila ng hirap at pasakit.

Ayon nga sa mga manunugtog, musikang maituturing ang mayamang paligid. Ang lagaslas ng batis, ang paghuni ng ibon na tila hele ng kalangitan, at ang hanging mahinhin na nakaaaliw pakinggan; lahat ng ito’y pinagmumulan ng musikang nakapaghahatid ng matamis na ala-ala ng kahapon.

Magmula noon, hindi na nagmaliw pa ang pagkahumaling natin sa musika. Umusbong pa ang musikang Pilipino nang minsan tayong napasailalim sa pananakop ng mga Kastila’t Amerikano. Sumikat ang kundiman at harana na isang tradisyong kinilala bilang tunay na obra. Kalauna’y pumasok ang iba’t ibang uri ng musika mula sa labas ng bansa at panandaliang humina ang sariling tunog. Ngunit muling nakabawi ang sariling awit sa pagkakaroon ng OPM o Original Pinoy Music na sa paglaon ay naging tanyag sa bansa dahil na rin sa mga taong nagsumikap upang itaguyod ang sariling himig. Kabilang na rito si Nonong Icaranom—purong Catandunganon, isang OPM artist.

 
Pagyakap Sa Nota

“Hindi mo kailangang maging sikat para yakapin mo ang musika.”

Ito ang naging pananaw ni Nonong sa halos tatlumpung taon niyang pagiging mang-aawit at kompositor. Si Jose Icaranom, Jr. o mas kilala bilang “Nonong” ay larawan ng isang tipikal na musikero na makikita mo noong panahong uso pa ang black and white TV. Di man niya tinatamasa ang rurok ng kasikatan, sapat na sa kanya ang ligayang naidudulot ng musika.

“To be honest, it makes my life worthy, easy, and simple to live,” magiliw niyang pahayag.

Bata pa man, nakikitaan na siya ng pambihirang kakayahan sa pagtugtog ng iba’t ibang instrumento. Hindi tatsi o “finish tsinelas” ang kanyang pinagkakaabalahan. Sa edad na lima, kabisado na niyang tugutugin ang ukulele at nag-umpisa na niyang pag-aralan ang gitara. Kaya naman hindi nakapagtatakang naging pinakaunang finalist siya mula sa Catanduanes ng National Music Competition for Young Artist noong 1978 na ginanap sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

Lalo pang nalinang ang talento ni Nonong sa tulong ng kanyang ama’t ina na nagsilbing halimbawa sa kanya upang maging mahusay na alagad ng sining. Cantora, o mang-aawit sa mga padasal ang kanyang nanay at nahumaling naman sa mga instrumentong may kwerdas ang kanyang tatay.

Si Nonong ay isa sa mga naging miyembro ng male trio group noon na It Started Long Ago o ISLA (na nakilala sa ating lugar sa bansag na “Uya na ang Grupo”). Layunin nilang gamitin ang sariling lenggwaheng Viracnon sa paggawa ng mga orihinal na awit na sila mismo ang sumusulat.

Nabanggit din ng musikero ang pangarap niyang kilalanin ang mga karakter o simbolo na matatagpuan lamang sa dayalektong Viracnon.

Kasama niya sa grupo ang kanyang kapatid na si Nelson Icaranom na tinaguriang “Father of Virac Pop Music” at ang utak ng signature song nila na “Mutya ning Virac”. Simula noon, pinagtuunan na ng grupo ang paggawa ng mga kanta gamit ang naturang dayalekto kung saan si Jerry Tabirao ang punong kompositor. Silang tatlo ang naging opisyal na miyembro ng ISLA matapos mapagpasyahan ni Zaldy Bautista na lisanin ang grupo.

Ang ISLA ang nagsindi ng mitsa upang papag-alabin ang Bikol-Virac compositions noong 1982 na kalauna’y matagumpay na nairekord sa taong 1993. ISLA: Primerong Luwas ang naging pangalan ng album na tinaguriang 1st Bicol pop full-length album sa buong Bicol region na kinapapalooban ng walong orihinal na kanta. Kabilang dito ang kantang “Mutya ng Virac” at “Hotdog” na bumuhay at nagpalakas sa Viracnon-worded Bicol pop songs na dating pinasikat noon ng ilang mang-aawit dito sa atin.

Ilan sa kanila ay sina Macario Arcilla at Geronimo Tabuzo o mas kilala sa tawag na “Tang Tolin” at Antonio Arcilla na pare-parehas na nagtuturo sa pampublikong paaralan. Si Tang Tolin ang tao sa likod ng magayang liriko ng kantang Pantomina na nairekord noong 1956.

Mapalad ang grupong ISLA sapagkat ang unang album ay nasundan pa sa ikalawang pagkakataon. Nakapagtala ang grupo ng humigit kumulang labing-anim na orihinal na kanta.

 
Musika ng Isla

Sa kasalukuyan, hindi na aktibo ang ISLA dahil na rin sa nagkalayo na ang kanilang mga landas, kung kaya’t napagpasiyahan na lamang ni Nonong maging solo artist. Ngunit kailanman, hindi sumagi sa isip niya ang isuko ang kanyang mithiin. Kalauna’y bumuo muli siya ng panibagong grupong tinawag na “Nonong Icaranom with 12 Session Musicians”.

Mula sa sariling pagpupursige, ang nasimulan ng ISLA at nina Tang Tolin ay naitulak sa pamamagitan ng kanyang programang Mga Haguyhoy sa Bicol para patuloy na maiparating sa Catandunganon lalung-lalo na sa mga kabataan ang diwang makabayan.

“Ngata ta kita gaalog sa iba, igwa man kita,” pagdidiin ni Nonong hango sa kantang “Ngata”  ng ISLA sa una nilang album.

“Unique and authentic,” ang pagpapaliwanag ni Nonong kung bakit mas napusuan niyang gamitin ang Viracnon bilang medyum ng kanyang mga kantang siya mismo ang sumusulat at naglalapat ng tono.

Sa kanyang krusada upang lubusang maiwagayway ang ganda ng ating lokal na musika, walang pasubali niyang inamin sa isang panayam na “pag-ibig” ang siyang apoy na bumubuhay sa bawat nota ng nililikhang awitin.

“Every good thing in life is an inspiration. Love, I think, is the best motivator,” pahayag ng mang-aawit.

 
Ang Paglalayag

Tulad ng balita, ang himig ni Nonong ay nagkapakpak. Mula sa baybay dagat ng Virac, Catanduanes, nilipad ng himig ni Nonong ang siyudad ng Makati. Hinarana ng “Nonong Icaranom with 12 Session Musicians” ang ilan sa mga bisitang humimpil sa Shangri-La Hotel noong ika-18 ng Nobyembre.

Doon, nabigyan sila ng pagkakataong ipamalas ang ating kakaibang musika sa pamamagitan ng kanilang one night performance sa nasabing lugar. Kabilang sa mga kantang kanilang inawit ay ang Pusong Gatia-tiam (repertoire), Mutya ng Virac, Sarong Banggi, Bikol classics with rock touch at ang Bicol version ni Nonong ng Pusong Bato.

Sa tulong ni Obispo Manolo De los Santos ng Diocese of Virac, naging posible ang nasabing pagtatanghal sa magarbong hotel. Samantala, ang nalikom na pera ay ibabahagi naman para sa pagpapagawa ng Our Lady of the Immaculate Conception Cathedral.

Isa marahil itong pagpapatunay na hindi lamang sa radyo nakakabihag ng tagapakinig ang tinig ni Nonong kundi pati na rin sa mga live performances nito. Naging patunay rin ang nakalipas niyang Concert na ginanap sa CSU Gymnasium noong Agosto 28, kung saan dinaluhan ito ng samu’t saring bisita, mapabata ma’t matanda. Kasama ni Nonong ang ilan sa mga magagaling na sessionista sa lalawigan tulad nina Wally Masagca, Toppee Avila (lead), Boyet Lopez (keyboard), Adong Taroy (bass), at Ronnie (drums).

Upang makuha ang respeto ng mga tagahanga’t tagapakinig, sinusubukan ni Nonong na ipakita sa aktwal na pagtatanghal ang kung ano ang nasa record.

“I always try to give my best in all my performances kahit dalawa or lima ang nanonood,” mapagkumbaba niyang pagpapahayag.

Ngayon, madalas nang inaanyayahan si Nonong sa mga pribado at espesyal na pagtitipon. Sa nakaraang Catandungan Festival presentation, napakinggan ng marami ang kanyang mapanuyong  awitin.

Umaasa si Nonong na pagdating ng panahon, may bagong sisibol upang itaguyod ang sariling awitin ng ating  isla. Bukas rin siya sa mga pagkakataong maiparinig ang ating musika sa iba’t ibang lugar sa bansa. Hindi man mararating sa isang iglap, ngunit sa paunti-unti, ang maliliit na hakbang ay magsisilbing  gabay na tatatak sa isip ng mga Catandunganon.

Upang mabuo ang isang musika, kailangan ng magandang liriko, wastong paglalapat ng nota at swabeng kalidad ng boses na aangkop sa taglay nitong melodiya. Kung ating babalikan ang kwento ni Nonong, masasabi nating hindi lamang tayo mayaman sa alon. Sagana rin tayo sa mga simpleng taong may di-pangkaraniwang kwento. At ang kanilang mga istorya, ang tunay na musikang nagpapakalma sa mga nagpupuyos na alon ng kasalukuyang panahon.

Dyan Camille Quintal

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: