Repleksyon sa Eleksyon: Pagtangkilik sa Iba’t Ibang Mukha ng mga Botante

Nagiging isang malaking tanghalan ang pisngi ng Isteyt sa pagsapit ng isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay ng mga mag-aaral—ang eleksyon para sa konseho ng mga mag-aaral.

Isang tanghalan ng mga kandidato bilang mga aktor at aktres, kung saan tayo ang mga tagasubaybay.

At kasabay ng pagkilatis natin sa mga kandidato, kilalanin din natin ang ating mga sarili bilang mga botante, upang mas mabigyang halaga ang ating mga boto, bago harapin ang sagradong pisngi ng balota.

 

THE WINNER

“Kapag binoto mo ‘di nanalo, sayang ang boto mo.”

Ito ang hungkag na konseptong kinakapitan ng mga botanteng ayaw makatikim ng pagkatalo. Kaya naman nakikiramdam na lamang sila sa kung sino ang liyamado at ang dehado sa ginanap na mock election, at makiki-sawsaw na lamang.

Ang totoo, mga talunan ang klase ng mga botanteng ito at bihira lang makatikim ng panalo. Kaya naman buong giliw nilang isusulat sa balota ang pangalang sumasaliw sa taguring “winnable”, at wala nang pakialam sa alingasaw sa likod ng kasikatan ng pangalan. Abot-tengang nakangisi at sasabihing, “parte ako ng pagkapanalo nyan!”.

Kung isa ka rito, bigyan mo ang sarili mo ng “very good clap” ni Luningning, este ni Aling Dionisia. Magaling ka. Magaling ka magpakatanga.

Masarap manalo, oo. Pero doble ang kasiyahan kung iboboto mo kung sino ang karapat-dapat. ‘Ika nga, “It is not about who won or lost; it’s about how you played the game.”

 

THE FRIENDLY

“I will vote because of ‘whom’ I know not because of ‘what’ I know.”

Ito ang tema ng mga emotera nating ate, becky, brod at bru na iniluluklok sa pwesto ang kanilang mga kakilala, hindi sa kung ano ang alam at magagawa nila. Kadalasang mga bagong salta sa kolehiyo ang inaatake ng ganitong prinsipyo. Kaya naman madali silang mahatak sa mga mabulaklak na salita sa pagpapakilala pa lamang ng mga kandidato.

Sarado ang mga utak ng mga botanteng ito na pakinggan pa ang platapormang ihahain ng ibang kandidato. Ba’t  mo nga naman iboboto ang ‘di mo kakilala?

Ngunit, kung ganito lang naman ang kalakaran at paraan ng pagboto, magbilangan na lang ng mga kakilala.

Sana lamang ay ‘wag tayong tamarin sa pagkilatis sa mga kandidato. Ang eleksyong ito ay magsisilbing paghubog sa atin para sa Barangay, Lokal at Nasyonal na halalan.

 

THE RECEIVER

“It’s better to receive… and receive.”

Kung kamukha ka ni Rizal, may kulot na buhok na parang noodles, may maitim na kulay tulad ng paborito mong kape, may manilaw-nilaw na ngipin tulad ng mga butil ng NFA rice at may nakaukit na ngiti na kasing tamis ng asukal, mag-ingat ka at baka tinamaan ka na ng “SUHOLic” virus.

Ang mga dinapuan ng nasabing virus ay mga botanteng tumatanggap ng suhol mula sa mga kandidato. Naalala ko tuloy ang chika ng isa naming tsismosong source. Noong nakaraan pang mga eleksyon, may nag-abot daw sa kanila ng isang supot na bigas na may kasama pang noodles, kape at asukal.

Ano kaya ngayong taon? Mas yummy kaya?

Ngunit sa nakaaalarmang banda, marami sa nabibiktima ang masaya pa at nagbubulag-bulagan na lamang. Mahirap nga namang tumanggi sa grasya, ‘di ba?

Ang tanong: Lulunukin mo na lang ba ang sariling prinsipyo kapalit ng sagrado mong boto?

 

THE SCHOLAR

Animnapung bahagdan (60%) o anim sa bawat sampung estudyante ng Isteyt ay iskolar.

Kaya naman ang ilan sa mga botante ay nangangambang maapektuhan ang kanilang scholarship ‘pag hindi nila sinuportahan ang kandidatong ini-endorso ng mga lokal na pulitiko, kung meron man.

Isa lang ito sa mapait na mga pangambang kanilang haharapin ngayong eleksyon.

Kung may pag-aalinlangan, isipin na lang na kung ano ang ginagawa at dinidikta ng karamihan ay hindi nangangahulugang iyon na ang tama.

2013, taon ng ahas. Walang bayad kung susubuking maging mapangahas.

 

THE FOLLOWER

“Kapit-bisig,” ‘ika nga ni Maya. Ito ang eksena ng mga botanteng sa tingin nila ang rekomendasyon ng kanilang lider ang pinakamahusay na boto.

Sunud-sunuran lamang na parang puppet ang mga miyembro nito ayon sa kagustuhan ng namumuno.

Karaniwang miyembro ng federasyon, este ng mga organisasyon ang mga ito—relihiyon, fraternity at sorority, grupo ng faithful na magbabarkada o kahit pa kulto. Tila batas ang bawat salitang iuusal ng lider.

Kung ating papansinin, paunahan ang mga kandidato sa paghuli sa kiliti ng malalaking religious groups tuwing National election tulad ng Iglesia ni Cristo ng Manalo, El Shaddai ng Velarde, at Si Jesus ay Panginoon ng Villanueva. Hindi lang ito dahil sa laki ng kanilang populasyon, kundi dahil sa kanilang pagkakaisa na kung ano ang nais ng namumuno ay iyon ang masusunod.

“Straight voting” ang kanilang drama.

 

THE ‘PARTY’ PEOPLE

“Ang mga kandidato sa mas kilalang partido ay mas may potensyal at mas mahusay.”

Ito naman ang katuwiran ng mga botanteng mas kinakatigan ang mga kandidato sa paborito o mas kilala nilang partido. Kaya para sa kanila, hindi na kailangan ang usap-usap pa. Dahil partido pa lang, panalo na.

Sana lang, ating tandaan na hindi ang pangalan ng partido ang mamamahala. Indibidwal na kandidato ang mamumuno. Huwag nating ipapasakamay sa mga kandidatong nadidiktahan ang pwestong kanilang inaasam.

Kilatisin ang bawat sulok, espasyo at butas ng mga platapormang kanilang ihahain. Walang masama sa pagiging sigurista.

Huwag tayong magpapabulag; tingnan ang bawat bersyon ng partido sa mas malalim pang bisyon at perspektibo.

 

THE THRIFTY

“May attendance pagboto?”

Ito ang tanong ng mga nerd at weird nating mga friendship. Boboto lang for the sake of attendance, kahit hindi siguro alam ang mga pangalan ng kandidato. Kung sabagay, yung ipambabayad sa fines ay pwede nang ipang-chibog o kaya nama’y pang–load.

Pero sana naman ay boboto tayo hindi dahil sa takot sa multa o anumang karampatang parusa sa ‘di pagboto. Isang beses lang naman ‘yan. Bigyan sana natin ng pansin ang karapatan nating bumoto.

 

THE TIGER

Sila naman ang mga botanteng naniniwala na ang pagboto ay hindi katulad ng pagtaya sa sugal na iboboto ang pinaka-malamang mangyaring manalo. Hindi rin sila natatakot bumoto sa kung ano ang dikta ng kanilang kosensya.

Mas lalong hindi sila naapektuhan ng mga survey. Handa rin silang tumiwalag sa kagustuhan ng lider ayon sa kanilang sariling pasya.

Sila ay tahimik na botanteng itinuturing na sagrado ang pagboto.

Higit sa lahat, masipag kumilatis ang mga botanteng ito at hindi magpapalunod sa mga retorikang ibuubuhos ng mga kandidato. Sila ‘yung tipong hindi magpapadala sa matatamis at mabulaklak nilang dila at lalong lalo na sa suhol na ipapantapal sa kanilang kabaluktutan.

Saan mang sulok ng Isteyt, huwag nang magtataka kung may mga nagpapahayag ng kani-kanilang platapormang naglalayong hulihin ang kiliti ng mga botante. Samu’t saring mga mukha na di-gaanong kilala ang makakasalamuha, kaya’t hindi na natin malaman kung sino ang matapat at kung sino ang nagpapanggap.

Payong kaibigan lang: Bago pumunta sa presinto ng pagbobotohan, harapin muna  ang sariling repleksyon sa salamin at itanong: Anong klaseng botante ka?

 

Paul John C. Padilla

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: