Bendisyon

Sa gaganaping FCSC Election, nakatutuwang isipin na ang tatlong kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo ay may pagkakatulad—relihiyon.

Si Crisanta Benitez ng Partidong Plebian ay  Provincial Youth Head ng Youth for Christ (YFC). Si Ronnie del Barrio naman ng Piglas-Tugon ay aktibong miyembro ng CSU-Campus Ministry samantalang si Mylord T. Panti naman ng Partido Bandillo ay isang dating seminarista.

Sa puntong ito’y hindi maaaring isantabi na lamang ang magiging impluwensya ng mga naturang organisasyon sa kahihinatnan ng darating na halalan. Anupa’t tinatayang humigit-kumulang tatlong daan ang kabuuang botong maaaring hakutin mula sa tatlong pinakamalalaking religious student organization sa unibersidad: ang Youth for Christ (YFC), Campus Ministry at Youth for Family and Life (YFL).

Sa katunayan nga’y samu’t-saring reaksyon ang inani ng Piglas-Tugon dalawang araw bago ang eleksyon nang hilingin nitong ihinto muna ang noo’y nagaganap na prayer meeting sa Risen Christ upang mangampanya.

Isa itong magandang estratihiya lalo pa’t subok na ang paraang ito maging sa pambansang arena ng pulitika—ang magmukhang pastol o sugo na magdadala ng pagbabago sakaling palaring manalo. Maaalalang noong 2004 Presidential Elections, sinuportahan ng El Shaddai si Gloria Arroyo at ikinampanya ng Jesus Is Lord (JIL) Movement si Bro. Eddie Villanueva. Bukod pa rito’y naging manok ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) si Gibo Teodoro at inendorso naman ng Iglesia ni Cristo (INC) si Noynoy Aquino noong 2010 samantalang si JC Delos Reyes naman ang opisyal na pambato ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong 2010.

Gayunpaman, dapat isaalang-alang na ang pagiging miyembro o opisyal ng isang religious organization ay hindi gumagarantiya ng isang mahusay at matagumpay na liderato. Ang Federated College Student Council ay ang kataas-taasang pamunuan na siyang  mangunguna sa pagsusulong ng mithiin ng bawat estudyante. At ang magiging pangulo nito ang siyang kakatawan sa kabuuang populasyon ng mag-aaral sa harap ng Lupon ng Rehente. Sadyang nangangailangan ng mabusising pagkilatis sa kakayahan, personalidad at plataporma ng bawat kandidato. Dagdag pa rito’y isang kahungkagang ibatay na lamang ang pagpili sa popularidad, relihiyon at palagayang loob.

Hindi lamang pagiging makadiyos ang katangiang dapat taglayin ng susunod na pangulo ng FCSC. Nakakasawa mang pakinggan ngunit lagi’t laging nasa Diyos ang awa ngunit nasa pangulo pa rin ang gawa. Walang silbi ang dasal kung hindi tatambalan ng masidhing pagsususumikap na baguhin ang mukha ng  pangkampus na pamumulitika.

Kailangang taglayin ng bagong maluluklok ang isang kritikal na pag-iisip at mahusay na pagpapasya, sapagkat hindi sasapat kung ang lahat ay idadaan na lamang sa pag-aantanda.

Bago isulat ng mga estudyante sa balota  ang pangalan ng napipisil nilang mga kandidato, sana’y maalala nilang ang nakasalalay rito ay kung sino ang hahawak ng kanilang kapalaran sa susunod na taunang pampaaralan; at hindi  kung sino ang babasa ng salmo responsoria.

Dave S. Tolentino

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: